Nagbabala si President-elect Rodrigo Duterte nitong Martes na magiging “narco state” ang Pilipinas kung hindi maaagapan ang problema ng bansa sa iligal na droga.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng business leaders sa Davao City, sinabi ni Duterte na ilang pulitiko ang pinondohan ng mga drug lord sa nakaraang halalan.
“If you do not something with the situation, seven years from now, this country will become a narcopolitics,” ayon kay Duterte.
Nanalo umano ang ilan sa mga kandidatong ito na pinondohan ng drug money.
“Iyong mga mayor na may backers sa droga or who are into drugs, nananalo sila,” ani Duterte. “Hindi sila naghintay sa pera ni [Vice President Jejomar] Binay o mga goodies ng Liberal [Party], they just went ahead to run and winning the elections because of drug money, which comes very easy. Iyan ang bantayan ninyo.”
Muling binigyan-diin ni Duterte sa naturang pagtitipon na hindi niya hahayaan na lumaganap ang iligal na droga sa kaniyang termino.
“Pero as long as ako nandito sa gobyerno, I will not allow it. Hindi ko kaya ako mag-upo-upo sa opisina ko knowing that people are suffering because of the greed,” dagdag ni Duterte. —FRJ, GMA News
Source: GMA News