Hawak na ng mga militar ang isa sa apat na mga bihag na dinukot ng bandidong Abu Sayyaf Group sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte.
Kinumpirma ito ni Maj. Filemon Tan, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command (WesMinCom).
Nasa pangangalaga na umano si Marites Flor ng mga tauhan ng Joint Task Force Sulu. Sa ngayon, at isinailalim na siya sa medical checkup.
Matatandaang dinukot Flor at tatlong mga kasamang mga foreigner noong Setyembre 27, 2015 at dinala ng mga bandido sa Sulu.
Kasamang dinukot sina Robert Hall at John Ridsdel (mga Canadian) at isang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
Pinugutan ang dalawang Canadian matapos mapaso ang deadline para sa hiniling ng Abu Sayyaf na ransom.
Nananatili pa ring hawak ng mga bandido si Sekkingstad.
Walang sinabi ang mga militar na detalye kung paano nakalaya si Flor o kung nagbayad ito ng ransom.
Matatandaang humaling ng P300 milyon ang Abu Sayyaf kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
—LBG, GMA News
Source: GMA News