Death Penalty bill, lusot na sa Kamara


0

Tinapos na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang botohan sa kontrobersyal na House Bill 4727 o Death Penalty Bill sa botong 217- 54 – 1.

216 ang bumoto ng Yes, 54 ang nag-No at isa ang nag-abstain.

Nominal ang naging botohan kaya isa-isang bumoto ang mga kongresista sa dalawang rounds ng roll call.

Kabilang sa mga tumutol sa panukala ang mga lantarag tutol sa pagbabalik ng parusang bitay sa pangunguna nina Buhay Rep. Lito Atienza, Albay Rep. Edcel Lagman, Rep. Tom Villarin, Rep. Gary Alejano, Rep. Raul Daza, Rep.Teddy Baguilat at mga leftist congressmen na mula sa Makabayan bloc.

Tulad nang inaasahan, kahit kasama sa ‘Super Majority’ pinanindigan ni dating Pangulo na ngayo’y Deputy Speaker at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagboto ng “No” dahil tinanggal ang parusang bitay noong panahon ng kanyang administrasyon.

Tumutol din sa pagbabalik ng bitay sina Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos at Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto.

Tinangka naman ni Rep. Lagman na haranging isalang sa Third and Final Reading ang HB 4727, pero ipinatuloy ni Ilocos Rep. Erick Singson ang botohan.

Isusumite na ng Kamara ang HB4727 sa Senado para talakayin at muling pagbotohan ng mga senador bago isumite para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte. (J. Tadios)


Like it? Share with your friends!

0