Lindol Safety First, bago mag-Tweet – Belaro | PTV
1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill mamayang alas-dos na!
Nanawagan si 1-Ang Edukasyon party-list Representative Salvador Belaro, Jr. na isama rin sa nationwide earthquake drill sa March 31 ang mahigpit na paalala na unahin muna ang personal safety bago mag-post sa social media.
“Huwag sayangin ang mga unang segundo ng lindol sa pag-tweet o pag-post sa Facebook dahil kapag lumampas na ng ilang segundo, malamang niyan ay malala na ang lindol at baka pagsisihang inuna pa ang social media kaysa kaligtasan,” paliwanag ni Belaro.
Sa Metro-Manila pa naman, pinaghahandaan ang tinurang “The Big One” na matinding lindol na magnitude 7.2 o mas mataas pa.
“Maging masinop at istrikto dapat ang mga paaralan sa pagsunod sa National Building Code standards para totoong matibay ang mga gusali kontra sa lindol. Alisin na rin sana ang mga paaralan na malapit sa mga earthquake fault line,” pakiusap ni Belaro.
Kapag tumama ang lindol o bagyo, “kahina-hinalang mas matibay pa ang lumang building kaysa bago,” dagdag pa ni Belaro.
Ang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ay isasagawa mamayang alas-dos ng hapon ayon sa anunsiyo ng Department of Education. (END)